Setyembre na!

AKALAIN mo nga naman. Malapit na naman ang Pasko. Setyembre na.

Napakabilis ng panahon. Ganito nga siguro ‘pag nagkakaedad na. Parang bumibilis ang ikot ng orasan. Para bang nagmamadaling makarating sa gustong puntahan.

Binabati natin ang ating mga kababayang Muslim sa araw na ‘to sa kanilang selebrasyon ng Eid’l Fitr. Parang Bagong Taon ito o Pasko sa ating mga Kristiyano.

Masaya ang araw na ito, lalo na sa Gitnang Silangan. Maraming pagkain at mga regalo. May “sale” sa mga mall at tindahan. Parang Pasko.

Malapit na nga pala ang Pasko. Masaya na namang ang “feeling” ng marami. At least yong mga may pera at kumpleto ang pamilya. Mahirap naman magsaya kung walang dapat ipagsaya, di ba?

Sana masaya ang Pasko ng marami sa taong ito. Sana may kabuluhan ang pagsasaya ng mga tao. Dyahe naman kung nagsasaya ka na wala lang.

Eid Mubarak sa mga kababayang Muslim!

Updated na naman!

Hayan, updated na naman po ang blog kong ito.

Pasensya na, paminsan-minsan lang tayo nagkakataon na makapagbukas ng blog dahil sa maraming gawain na kailangang harapin.

Minsan naaalala rin naman nating mag-blog.

Katuwaan lang.

Kung napansin ninyo, dalawa po ang aking blog. Pangarap ko po sana kasing magsulat sa Filipino at sa Ingles. Dito sa blog na ito ang mga Filipino at Bisaya kong blog, at sa kabila naman, sa jotorres.wordpress.com ay ang mga sinulat ko naman sa Ingles.

Subalit minsan ay nalilito na rin ako at nailalathala ko sa blog ko sa Ingles ang mga gawa ko na sinulat sa Tagalog o kaya’y sa Bisaya.

Hayaan n’yo na. Katuwaan lang naman ito. Sana lang ay maaaliw kayo o kung mamarapatin ay matuto sa aking mga naisulat dito.

Maraming salamat po.

Buhay OFW

MINSAN na akong nangibang-bayan. Dalawang taon din akong nanirahan sa Gitnang Silangan noong 1990s. Hindi madali noon ang magtrabaho sa ibang bansa. Hindi pa uso noon ang cell phone at wala pang email at Facebook. Nakakalungkot.

Muli ko na namang susuungin ang buhay OFW bilang mamamahayag. Plano ng aming tanggapan na italaga ako sa ibang bansa upang makatulong sa “coverage” ng balita sa Asya. “Exciting” ang assignment. Pagkakataon din ito na makapunta sa iba’t ibang bahagi ng mundo.

Subalit alam kong hindi madali ang buhay OFW. Mahihiwalay ka sa iyong mga mahal sa buhay. Di mo makakasama ang barkada. Walang lechon at pagkaing Pilipino na nakakasanayan na. Iba ang lasa ng beer sa ibang lugar. Matutulog kang tanging ang unan lamang ang kayakap.

Yong nga lang, hindi na tungkol sa nakakasawang pulitika dito sa atin ang aking susulatin. Hindi na tungkol sa bangayan ng mga paksyon sa pamahalaan ang babantayan, hindi na ang walang katapusang korapsyon ng mga nanunungkulan ang pag-uusapan.

Ngayon pa lang ay iniisip ko na ang buhay ng mga kababayang nasa ibang bansa. Matapos ang mahigit sampung tao na ako ay nangibang-bayan, may nagbago kaya? Ano kaya ang tingin ng mga ibang lahi sa ating mga Filipino? Nagbago na kaya ang mga karanasan ng mga OFW?

Ano kayang pagbabago ang naidulot ng makabagong teknolohiya sa buhay ng isang Filipino na naninirahan sa ibang bansa? Nababago ba ang kalungkutan at pangungulila ng Facebook at cell phone?

Ilan lamang ito sa mga tanong na gusto kong tuklasin ang mga kasagutan sa muli kong pag-alis.

Sabi nga ng kaibigan kong si Jimmy Domingo, sa paggunita raw ng ika-150 kaarawan ni Gat Jose Rizal ngayong taon, dapat lamang na may mababago naman sa ating buhay at sa ating mga karanasan bilang mga Filipino. Kaya naman bumalik ako sa pag-aaral at nagturo sa unibersidad. Di ko akalain na may mas mabigat palang susuunging karanasan.

Minsan na akong nangibang-bayan at natuklasan kong hindi ito madali. Subalit susuungin kong muli ang karanasang ito dahil naniniwala ako na ang mga ganitong pagkakataon ay minsan din lang dumating sa ating buhay.

Dahil kay Rizal

DAHIL ika-150 anibersaryo ng kaarawan ng ating bayani na si Gat Jose Rizal ngayong taon, napagpasyahan kong bumalik sa pag-aaral.

Kahit na nagka-edad na, pinili kong pumasok muli sa unibersidad kasabay ang maraming kabataan na nangangarap na makapagtapos ng kurso at makakuha ng diploma.

Hindi madali ang bumalik sa eskwela. Mahina na ang tuhod at may kabagalan na sa pag-akyat-baba sa hagdan.

Nakakatuwa ang karanasang muling makinig sa guro, magbasa ng libro, at gumawa ng mga takdang-aralin.

Nakakapanibago ang karanasan, lalo na sa panahon na magkukumahog kaming mga magkaklase na tapusin ang mga pasulit.

Nakakaiyak minsan kung di magawa ang mga inaatas ng guro na gawain. Kumakabog ang dibdib at maiisip mong sumuko na lamang. Subalit kailangang makapagtapos, hindi upang makapasok sa trabaho (dahil meron na tayong trabaho) kundi upang matuto.

Inspirasyon ko noong bata pa si Rizal. Sa aming bayan kasi siya itinapon ng apat na taon. Wala akong ibang sikat na kilalang tao noong aking kabataan kundi si Rizal at si Marcos, ang dating pangulo.

Subalit si Rizal ang pumukaw sa isipan ng isang yagit na probinsyano upang mangarap na makapag-aral at sundan ang yapak ng bayani.

Sinuwerte akong makapag-aral ng pilosopiya (na gustong pag-aralan ni Rizal noon, sa Unibersidad ng Santo Tomas. Sumali pa ako sa patimpalak ng tula, tulad kay Rizal, at pinalad namang manalo.

Pumasok din ako sa Ateneo, Ateneo Municipal noong panahon ng bayani, subalit di ko natapos ang pag-aaral doon,

Kaya ngayong ika-150 anibersaryo ng kaarawan ng aking idolo, minabuti kong bumalik sa Ateneo. Sana sa pagkakataong ito ay di na mabibigo ang pangarap na ito.

Nang dahil kay Rizal muli kong susuungin ang mga pasulit, ang mga takdang aralin at ang mga pangaral ng mga guro.

Nakakapagpakumbaba ang bago kong karanasan. Mahirap man pero dahil kay Rizal tatapusin ko ito.

Nakapagpagaang ng loob na makikita mo sa loob ng unibersidad ang kabataang nagbabasa ng libro, gumagawa ng mga proyekto at nag-uumpukan upang pag-usapan ang kalagayan ng ating bayan.

Naiisip ko lang minsan ang mas marami pang kabataan na walang pagkakataon pumasok sa eskwela dahil sa kahirapan. Kaya para na rin sa kanila, pagbubutihan ko ang aking pag-aaral.

Balik-eskwela

ASAHAN na muling sisikip ang daloy ng trapiko sa Kalakhang Maynila sa darating na mga araw. Babaha na naman ang mga estudyante sa lansangan.

Balik-eskwela na naman ang ating kabataan. Balik na naman ang pagbubuo ng mga pangarap na sana sa katapusan ng taon ay matatanggap ang diplomang inaasam ng mga magulang.

Subalit bago ang kasiyahan sa pagtatapos, kailangan munang makikipagsapalaran sa masikip na daloy ng trapiko, maagang paggising, at pakikipagbalyahan sa lansangan.

Kasama na sa mga pasanin ng mga mag-aaral at kanilang mga magulang ang mataas na matrikula at presyo ng mga pangangailangan sa eskwelahan.

Hindi madali ang pumasok sa eskwela. Sinubukan ko ito ngayong taon, at nagsisimula na nga ang muli kong pagpasok sa unibersidad. Nakakakaba. Kailangan na magsunog ng kilay, ika nga. Maraming kailangan basahin at kailangan ng oras para pagtuunan ang mga gawain.

Noong simula, nang maisip kong bumalik sa pag-aaral, nandiyan pa ang “excitement.” Nang kailangan nang magbayad ng matrikula, nandiyan na ang kaba. Nang magsimula na ang klase, seryoso na pala!

Bakit pa nga ba kailangan mag-aral? Para raw makahanap na maayos na trabaho pagdating ng panahon. Hindi ako kumbinsido sa ganitong dahilan. Marami ang nagtapos ng pag-aaral na wala rin namang trabaho.

Mas naniniwala pa ako na dapat mag-aral para may matutunan ka sa buhay, liban pa sa “skills” na kailangan ng isang tao sa pagharap ng mga hamon sa pagdating ng panahon.

Ang masaklap na katotohanan ay tila wala namang tinuturong mabuti ang marami sa ating mga paaralan.

Tinuturo nga, halimbawa, ang Ingles sa mga bata, subalit wala naman silang natutunan. Tinuturo ang literatura, subalit mas kilala pa ng maraming mag-aaral ang mga bida sa pelikula. Tinuturo rin ang kasaysayan, subalit hindi nga alam ng maraming kabataan kung bakit si Rizal ang ating bayani at kung bakit tinatawag na martir ang tatay ng ating presidente.

Kailangan nating mag-aral, tayong lahat, hindi lamang ang kabataan. Kailangang mag-aral ang mga guro, kailangang mag-aral ang mga pulitiko, kailangang mag-aral ang sambayanang Pilipino.

Kailangan nating mag-aral hindi upang yumaman. (Tumaya ka na lang ng lotto baka makatsamba pa!) Kailangan nating mag-aral upang maintindihan natin ang ating mundo, ang panloloko sa atin ng kapwa natin mga mangmang, upang matutunan nating magpapakumbaba at tanggapin na sa tagal natin dito sa mundo ay wala talaga tayong nalalaman.

Tag-init

KELAN kaya matatapos ang tag-init? Mayo na pero ayaw pa lumabas ang mga bulaklak. Patuloy pa ring nalalagas ang mga dahon. Naaasar na ang mga kapitbhay ng mga may puno dahil sa kalat sa lansangan. Hindi naman puwedeng putulin ang mga puno dahil ipinagbabawal ng DENR.

Marami na rin ang nagkakasakit. May sumakit ang lalamunan, ulo at nagkakasipon. Lalong mas masakit sa bulsa dahil kailangang gumasta para sa gamot. Tumataas rin ang bayaran sa kuryente dahil napipilitang paandarin ang air-conditioning units buong araw.

Ang daming problema ngayong tag-araw. Umiinit ang panawagan na taasan ang sahod ng mga manggagawa. Ayon naman sa mga negosyante, lalo lang maghihirap ang ating ekonomiya kung tataasan ang suweldo kasi magtataas din naman daw ang presyo ng mga bilihin.

May dagdag pa na usapin tungkol sa terorismo matapos mapatay si Osama bin Laden sa Pakistan. Sumasabit pa rin ang Pilipinas sa isyu kahit na napakalayo ng Pakistan sa atin. Meron daw kasing mga terorista sa ating bansa at may kakayahan pa ang mga ito na maghasik ng lagim.

Kung ganito katindi ang init ng mga usapin at ng kapaligiran ngayong tag-araw, ano naman kaya ang kapalit sa darating na tag-ulan?

Baha, basurang lumulutang at usapin pa rin ng kahirapan ang pag-uusapan. Wala nang pinipili ang mga hamon na kinakaharap ng ating bansa. Mahirap ka man o mayaman, apektado tayong lahat sa mga problemang tayo rin ang may kagagawan.

Dapat nang paghandaan ang pagdating ng tag-ulan, ayon sa mga langgam. Hindi lamang sa pag-iipon ng pagkain kundi sa paglilinis na rin ng ating kapaligiran. Siguradong matindi na naman ang aabutin nating baha sa darating na mga buwan, kaya habang tag-init pa, linisin na natin ang mga kanal at lagusan ng tubig.

Sa usaping pulitika, kailangan na ring bilis-bilisan ng nasa poder ang paglilinis ng sistemang napupuno ng talamak na korapsyon. Hindi lamang mga Pinoy ang nagsabing maraming nakawan sa gobyerno. May ulat na rin dito ang ibang bansa at tinawag na “weak” o mahina ang paglaban ng ating bansa sa problema.

Habang tag-init pa, paghandaan na natin ang pagbuhos ng ulan.

Patay na si Bin Laden, ano ngayon?

SABI ng Amerika patay na raw ang kanilang paboritong terorista, si Osama Bin Laden. Ano ngayon? Dapat ba tayong magdiwang dahil yumao na ang pinakamabigat na kalaban ng Amerika?

Si Bin Laden umano ang utak ng pag-atake sa Amerika noong 2001. Siya rin umano ang nasa likod ng paglaganap ng terorismo sa buong mundo nitong nakalipas na dekada.

Hindi lamang sa Amerika naghasik ng lagim ang mga tauhan ni Bin Laden. Kumalat din sila sa Gitnang Silangan, Asya, Africa at iba’t ibang sulok ng mundo.

Ang al-Qaeda ang sinisi sa mga pag-atake sa Indonesia at Pilipinas. May ugnayan umano ang Abu Sayyaf sa al-Qaeda kaya lumakas ang loob ng mga lokal na grupo upang mandukot at pumatay.

Marami ang naging biktima ng Abu Sayyaf, hindi lamang mga indibidwal kundi pati ang ating ekonomiya. Marami ang naapektuhan sa pagkalat ng terorismo.

Subalit matatapos ba ang problema dahil sa pagkamatay ng umano’y lider ng mga terorista? Sa tingin ko hindi.
Magaling ang pag-organisa ng mga tauhan ni Bin Laden. Bumuo sila ng mga independiyenteng mga grupo na kahit mawalan ng ugnay sa taas ay makapagpatuloy pa rin sa paghahasik ng lagim.

Halimbawa na lang ang Abu Sayyaf. Matagal na umano itong nawalan ng ugnay sa al-Qaeda.

Gumagawa na lamang ito ng sariling diskarte. Hindi na nanggagaling sa ibang bansa ang kanilang pera. Nanggagaling na umano ito sa kanilang kita sa kidnapping, lalo na sa Mindanao.

Hindi dapat maging kampante ang mga otoridad dahil lang namatay si Bin Laden. Dapat itong lalong maging mapagmatyag. Hindi pa natin alam ano ang susunod na diskarte ng mga grupong terorista.

Siguradong magbabago rin ang anyo ang pakikipaglaban ng Amerika sa terorismo ngayong nawala na si Bin Laden. Maghahanap na naman ito ng “mukha” ng kalaban. Kailangan nito ng bagong sisisihin sa kung anumang mga pangyayari laban sa interes ng higanteng bansa.

Dito sa Pilipinas, magpapatuloy ang karahasan hanggang hindi mahanap at masupil ng mga otoridad ang mga galamay ni Bin Laden. Maghahanap din ng bagong “idol” ang mga lokal na terorista. Maghahanap din ng bagong mukha ng kalaban ang ating mga otoridad.

Buwan ng Mayo

MAKULAY ang buwan ng Mayo, lalo na sa mga probinsyano. Maraming piyesta, maraming selebrasyon. Marami ang bulaklak na namumukadkad.

Ito rin ang panahon na maganda mamasyal dahil hindi na masyado mainit ang sikat ng araw at halos magsisimula na ang tag-ulan.

Bakasyon pa ang mga bata kaya makakasama pa ang buong pamilya sa mga lakwatsa.

Masaya ang buwan ng Mayo. Maaliwalas ang kapaligiran at may dalang samyo ng bulaklak ang simoy ng hangin. May Flores de Mayo, may Santacruzan, may piyesta sa buong bayan.

May isa nga lang problema. Walang pera.

Unang araw pa lang ng buwan ay sumisigaw na ang mga manggagawa na itaas ang sahod at ibaba ang presyo ng mga bilihin. Kasing-init ng araw sa tag-araw ang kanilang panawagan na bigyang pansin ang kanilang kalagayan.

Oo nga naman. Sa buwan ng Mayo kasi nagsisimula ang paghahanda para sa pasukan. Bayaran na naman ng matrikula. Maghahanda na naman ng pamasahe ang mga estudyanteng taga-probinsya para bumalik sa Maynila o kung saan mang siyudad sila pumapasok.

Tama nga lang siguro na marami ang piyesta sa buwang ito. Makakapagbenta ng baboy ang mga may alagang baboy. Makakapagsanla ng lupa ang mga may lupa. Makakapagdasal ang mga may tiwala pa sa Diyos. Makakapag-alay ng bulaklak ang mga may aalayan ng bulaklak.

Para sa gusto ng mag-asawa, panahon na rin upang paghandaan ang pagpapakasal sa Hunyo. Marami kasing sumusunod pa rin sa kaugaliang sa Hunyo magpapakasal. Di ko alam kung bakit, perso hula ko ay dahil masaya sila sa Mayo kaya itotodo na nila sa Hunyo.

Gastos na naman. Mabuti sana kung may gagastusin. Tulad sa ating kailangang magpapawis para kumita, kailangang maghandang lumangoy sa babahang pawis sa darating na mga araw. Minsan may kasama pang luha.

Masaya sana ang buwan ng Mayo. May saliw ng awit ang ihip ng hangin. May samyo ng bulaklak ang takip-silim.

Subalit sa likod ng pagsasaya, sa likod ng mga dampa, sa gilid ng bukid, sa pilapil at sa linang, sa mga opisina’t pagawaan, sa pabrika at “call center,” bumabaha kahit di pa tag-ulan.

Bumabaha ang luha na dala ng mga pangarap, mga pangarap na sana sa darating na Hunyo at sa mga Hunyo’t Mayo pa sa mga darating na taon, wala na ang balakid para sa isang makulay na buwan ng mga mababangong bulaklak.

MacBook Pro 2011

I am now using a MacBook Pro, courtesy of my new office.

For a long-time PC user, working on a Mac needs some adjustments. One has to get used to the commands and the applications.

But I’m enjoying it. It’s like a new toy. One has to get the hang of it.

Demonizing Mindanao, again!

The election’s over.

There was cheating, people claim.

There was cheating all over the country.

There was violence. All over the country, too.

There were incidents of votes bought, of harassment, of killings, of evils that men and women do in this country.

Unfortunately, if one reads the papers, listen to the radio, or browse through the websites of journalists, one would think that all these gruesome evils only happen in places like Mindanao and Abra.

It is unfortunate because the evils that we do happen all over the country, not only in Mindanao and Abra, and maybe even worse, though subtle, in some other areas.

In Mindanao, there were villages, towns and cities, and there were many of them, where people enjoyed the day they exercise their right to vote.

Many would have wanted to read stories or see photos of Moros voting in Basilan, Maguindanao, Cotabao, Sulu, as if they’re museum exhibits, but nobody seems to be interested with how people in Aliguay, Silinog, Baylimango, Banbanan, Tipsong voted and enjoyed their moment with the PCOS machine,

No journalist seemed to want to take pictures of people in Baybay, Talisay, Bungiao – places in Mindanao nobody heard about because there was no news, because there was no conflict, because there was peace.

What the media did to Mindanao, and places like Abra, in the past weeks was to demonize it with journalism’s selective eye for the bizarre, the extraordinary, the exotic, without context at all.

It’s because we define news as conflict. If there’s no conflict, there’s no news, our books say.

After all the pictures, the footage and the stories were published, broadcast, posted, what have we done? Have we made the lives of our subjects better? Have we contributed something to changing their lives?

Or did we just use them to uplift our spirits, to increase our being part of an exotic tribe that goes places where no other “humans” from the jungles we call the city have gone?

It’s time to redefine news. And the “redefinition” should not be done by so-called journalists like us.

Follow

Get every new post delivered to your Inbox.